“Hindi hadlang ang edad sa pagkamit ng pangarap.” — Juanito L. Agana

Sabi nga nila, walang mahirap sa taong nangangarap.  Nagsisilbing sandata ang pangarap upang mas maging malakas at matapang ang bawat isa sa pagharap sa anumang hamong ibabato ng buhay.

Tila ito nga ang pinatunayan ni Juanito L. Agana o mas kilala bilang Ate Janette nang maisipan niyang magbalik-aral sa edad na 40. Bagaman batid niya ang hirap na mararanasan dahil sa tagal niyang nahinto sa pag-aaral, agwat niya sa kaniyang mga kaklase at idagdag pa riyan ang pagpasok niya sa trabaho bilang parlorista ay hindi ito naging hadlang upang muli niyang buhayin ang kaniyang pangarap na makapag-aral at makapagtapos.

 “Hindi naging madali ang lahat… Hirap akong makisabay sa mga leksiyon sa una dahil medyo matagal-tagal din akong nahinto,” wika ni Juanito.

Dagdag pa niya, “Pero ang mga ito ay hindi naging hadlang para panghinaan ako, bagkus, ginawa ko itong inspirasyon at pagsusunog ng kilay ay aking ginawa.” 

Dahil dito, hindi siya kinakitaan ng pagsuko. Dala ang determinasyong pinanday ng kahapon, taas-noo niyang tinahak ang daan papunta sa kaniyang minimithing pangarap. Hindi niya inalintana ang mga pagod at hirap na sa kanya ay sumalubong. Bagkus, kanya itong hinarap ng may ngiti at pagtitiwala sa kaniyang sarili.

Saksi ang tarangkahan ng paaralang nagsilbing kanlungan niya ng dalawang taon sa kung papaano niya pinagsumikapang makisabay sa kaniyang mga kaklase. Sa katunayan, nagsilbi siyang inspirasyon hindi lamang sa loob ng kanilang klasrum kundi pati na rin sa buong paaralan dahil sa ipinakita niyang mga katangian bilang isang estudyante.

Sa paglipas ng mga araw ay tuluyan na ngang napalitan ng kaginhawaan ang kaniyang mga pag-aatubili. Naging magaan ang bawat araw sapagkat napawi na ang anumang pag-aalinlangan. Dahil sa angking talento at galing, hindi ni minsan naging kinatawan siya ng paaralan sa mga patimpalak kung saan nag-uwi  at nagkamit siya ng mga karangalan.

Ngunit tila hindi sumasang-ayon sa kaniya ang panahon ng biglang dumating ang pandemya. Hindi naging madali sa kanya ang naging dulot nito lalo pa’t binago ng pandemya ang ilang aspekto sa larangan ng edukasyon.  Muli na naman siyang pinanghinaan ng loob sapagkat ang dating nakagisnan niya ay ibang-iba na kung kaya’t binalot siya ng pangamba.

Aniya, “ibang-iba sa dating nakagisnan, may mga gabing wala akong tulog, kapos sa perang pambili ng materyales para sa mga proyekto, at marami pang iba.”

Dagdag niya, “hindi lingid sa aking kaalaman ang pahirapang pagsagot sa mga modyul at Activity Sheets. Hirap ako sa mga asignaturang may kinalaman sa kompyuter dahil hindi teknikal ang aking kaalaman.”

Sa kabila ng lahat ng pagsubok na kaniyang naranasan, hindi ito naging hadlang upang siya ay tumigil at sumuko. Sa halip, tumindig siya at ipinagpatuloy niya ang kaniyang nasimulan bitbit ang dunong na kaniyang nasalok sa paaralan. Buong-tapang niyang tinanggap ang mapanghamong dala ng pandemya sa kaniyang pag-aaral.

Hanggang matapos ang taong-panuran ay ipinamalas niya ang kaniyang dedikasyon at determinasyon upang abutin ang kaniyang pangarap. Sa huli, isa siya sa mga nagtapos sa Batac National High School ng may karangalan.

Ayon sa kaniya, “tunay na masasabing kailanman hindi hadlang ang edad sa pagkamit ng mga pangarap.”

 Walang madali sa mundo. Lahat ng bagay na nais nating makamtan ay dumadaan sa proseso. Nariyan iyong luluha ka. At nariyan naman iyong lulundag ka sa tuwa. Ngunit ang mahalaga, huwag sumuko basta-basta sapagkat makararating saan ka man nakatadhana. Gaano man katagal bago mo ito makuha.

Isinulat ni: Jenna Mae M. Pungtilan mula sa Batac National High School

Mga Larawan mula kay Juanito L. Agana